Wednesday, November 03, 2004

Laro

LARO

Habang nanonood ng TV ay napanood ko ang commercial ng Milo. Nakakatuwa ito ng aking mapanood. Ang commercial na ito ay binubuo ng apat na kabataan na naglalaro ng baril barilan sa loob ng bahay. Gamit nila ang mga baril barilang yari sa mga materyales na makikita sa loob ng ating mga bahay katulad ng hanger, sipit, unan at iba pa. Gamit din nila ang kanilang mga tinig upang makalikha ng ingay na kunwari'y nagmumula sa gawa nilang baril barilan. Ang matamaan ng kanilang baril barilan ay patay. Ang akala ko noon ay wala na ang ganitong klaseng laro ng mga kabataan pero meron pa pala. Hightech na kasi ngayon nariyan ang mga video at computer games kung kaya't inakala kong hindi na ito nilalaro.


Ito marahil ang bunga ng mga nakaraang pandaigdigang digmaan at ang larong ito ay napamana na ng ating mga magulang. Naranasan ko din ang ganitong laro nung ako'y bata pa. Masaya, nakakapagod, may kampi-kampi, may panalo, may talo, may nasasaktan o nasusugatan, may nang-aasar at may napipikon.

Baril-barilan ang hawak ko nung ako'y bata pa. Isang laruan na alam kong hindi makapananakit ng aking kapuwa. Isang laruan na nakapagbibigay kasiyahan kapag ako'y naglaro na. Ngunit may epekto nga ba ngayong ako'y malaki na? Wala bang larong simba-simbahan?