Dumaan muna ako sa malapit na atm machine upang magwithdraw, hindi naman karamihan ang taong nakapila ng mga oras na yun. "Aba himala ngayon ko lang nakitang konti ang pila dito kapag araw ng sweldo." Kinuha ko ang lahat ng sweldo ko sa kadahilanang mag-aaraw ng patay baka mag-offline ang mga atm machine. Nang maka withdraw na ako ay itinabi ko iyon sa maliit na lalagyan at inilagay ko sa aking bag. Bihira akong maglagay ng pera sa aking wallet sa tuwing sweldo sa kadahilanang baka ako madukutan uso pa naman ang mandurukot sa bus.
May katagalan din ng ako'y nakasakay mula sa lugar na aking pinanggalingan. Hindi naman gaanong puno ang nasakyan ko "Bakit kaya ganoon? kakaiba ang araw na ito sweldo ngayon konti ang nakapila sa atm machine at hindi punuan ang bus, hindi rin ma traffic ano nga bang araw ngayon?" tanong ko sa sarili ko.
Habang kami'y naglalakbay ay napansin ko ang mangilan-ngilang kalalakihan na nakaupo sa aking unahan na nagsesenyasan sa pamamagitan ng pagtango. Maya maya ay tumayo ang isa sa kanila hindi ko alam kung saang luigar kami ng mga oras na iyon wala akong makita sa labas ng bintana napakadilim. "Nasaan na nga ba kami?" pagtataka kong tanong.
"Hold-up to!!" sabay labas ng isang baril na dinukot niya sa kaniyang tagiliran. Kulot at buhaghag ang kanyang buhok may kaliitan may bigote at naka asul na t-shirt. Bigla namang nagtayuan ang kanyang mga kasamahan na nakaupo sa iba't ibang lugar ng bus. Nasa lima hanggang pitong katao. Tuliro na ako hindi ko malaman ang gagawin. Hindi ko rin maaninag kung nasaan kami para akong nabulag ng mga oras na iyon.
"Walang maingay, walang tatayo. Hihingin lang namin ang mahahalagang bagay na nasa inyo at ibabalik ang hindi namin kailangan" pasigaw na salita ng holdaper.
"Ano ba to? kakawithdraw ko lang ng buong sweldo ko!!" laking panghihinayang ko kung bakit ko winidraw ang buong sweldo ko.
Habang iniisa isa ng mga holdaper ang mga tao ay kinakapkpan pa ito para siguradong walang maitatagong alahas o mahalagang bagay.
Heto na sila sa tapat ko, ako na ang isusunod. Pinatayo ako at kinapkapan at nasalat ang wallet ko kinuha nila ang perang naroroon. Iniabot ko na ang bag ko at hindi ko na nakita kung paano nila binulatlat iyon.
"Wala bang tao na nakakakita sa labas?" tanong ko sa aking sarili. Umaasa pa rin ako ng mga oras na iyon na may makakita sa amin mula sa labas. Ngunit wala. Hindi ko din alam kung tumatakbo ang bus o hindi. Wala akong nasaisip kundi ang sweldo ko na nasa maliit na lalagyan na nakatago sa bag ko.
Naibalik na sa akin ang aking bag. Nakita ko ang aking cellphone na hawak ng isang holdaper. Alam kong akin yun dahil siya din ang nagbulatlat ng aking bag.
"Boss" malakas kong tawag sa kanya.
"Ano yon?" pagalit niyang tugon sa akin.
"Pwede po bang kuhain ko ang sim card ng cellphone ko?" marahan kong pakiusap sa kanya.
"Eto bilisan mo." sabay abot niya sa aking cellphone.
Nagtataka ako kung bakit tila yata hindi nagsasalita ang ibang pasahero ng mga oras na iyon para silang pipi mga walang reaksyon walang humingi ng sim card ng kanilang mga cellphone ako lang yata ang tanging nagsasalita. Marahil ay nabigla din sila sa mga pangyayari pero kakaiba parang robot sila lahat.
Tinignan ko ang bag ko. Nagulo ang mga gamit ko sa loob hinanap ko ang maliit na lalagyan ko pinagtaguan ko ng aking sweldo. "Aba! andito pa!" laking tuwa ko ng makita ko iyon. Hindi ata nakita ng holdaper, cellphone lang yata ang kanilang nakita sa aking bag. Hindi ko na muna ito binuksan sa kadahilanang baka makita ito ng holdaper at kuhain pa.
Mabilis ang mga pangyayari hindi ko na alam kung paano sila umalis ng bus at sa mga oras na iyon ay hindi ko pa rin alam kung nasaan kami madilim pa din sa labas wala akong makitang liwanag. Wala pa ring reaksyon ang mga tao ng mga oras na iyon, parang walang nangyari. Ngayon ma checheck ko na ang aking sweldo. Binuksan ko na ang aking bag, kinuha ko ang lalagyan ko ng aking sweldo at unti unti ko itong binuksan...
"WAHHHHHHHHH!!! WALA NG LAMAN!!"
Nakuha rin pala nila ang sweldo ko. "Mga hinayupak na yun sinoli pa ang lalagyan."
"Ngoorrkkkk!!" hindi ko maunawaan parang ang sarap humagok...
"Ngoorrkkkk!! Umaga na pala?!!" =)
No comments:
Post a Comment