Mga walang kwentang bagay na nasa isip ko na ayaw kong malaman mo pero nais kong ipabasa sayo. Kung hindi mo babasahin hindi mo malalaman ang walang kwentang bagay na ayaw kong ipaalam sa iyo. Kaya huwag mong basahin.
Sunday, October 31, 2004
SWELDO
May katagalan din ng ako'y nakasakay mula sa lugar na aking pinanggalingan. Hindi naman gaanong puno ang nasakyan ko "Bakit kaya ganoon? kakaiba ang araw na ito sweldo ngayon konti ang nakapila sa atm machine at hindi punuan ang bus, hindi rin ma traffic ano nga bang araw ngayon?" tanong ko sa sarili ko.
Habang kami'y naglalakbay ay napansin ko ang mangilan-ngilang kalalakihan na nakaupo sa aking unahan na nagsesenyasan sa pamamagitan ng pagtango. Maya maya ay tumayo ang isa sa kanila hindi ko alam kung saang luigar kami ng mga oras na iyon wala akong makita sa labas ng bintana napakadilim. "Nasaan na nga ba kami?" pagtataka kong tanong.
"Hold-up to!!" sabay labas ng isang baril na dinukot niya sa kaniyang tagiliran. Kulot at buhaghag ang kanyang buhok may kaliitan may bigote at naka asul na t-shirt. Bigla namang nagtayuan ang kanyang mga kasamahan na nakaupo sa iba't ibang lugar ng bus. Nasa lima hanggang pitong katao. Tuliro na ako hindi ko malaman ang gagawin. Hindi ko rin maaninag kung nasaan kami para akong nabulag ng mga oras na iyon.
"Walang maingay, walang tatayo. Hihingin lang namin ang mahahalagang bagay na nasa inyo at ibabalik ang hindi namin kailangan" pasigaw na salita ng holdaper.
"Ano ba to? kakawithdraw ko lang ng buong sweldo ko!!" laking panghihinayang ko kung bakit ko winidraw ang buong sweldo ko.
Habang iniisa isa ng mga holdaper ang mga tao ay kinakapkpan pa ito para siguradong walang maitatagong alahas o mahalagang bagay.
Heto na sila sa tapat ko, ako na ang isusunod. Pinatayo ako at kinapkapan at nasalat ang wallet ko kinuha nila ang perang naroroon. Iniabot ko na ang bag ko at hindi ko na nakita kung paano nila binulatlat iyon.
"Wala bang tao na nakakakita sa labas?" tanong ko sa aking sarili. Umaasa pa rin ako ng mga oras na iyon na may makakita sa amin mula sa labas. Ngunit wala. Hindi ko din alam kung tumatakbo ang bus o hindi. Wala akong nasaisip kundi ang sweldo ko na nasa maliit na lalagyan na nakatago sa bag ko.
Naibalik na sa akin ang aking bag. Nakita ko ang aking cellphone na hawak ng isang holdaper. Alam kong akin yun dahil siya din ang nagbulatlat ng aking bag.
"Boss" malakas kong tawag sa kanya.
"Ano yon?" pagalit niyang tugon sa akin.
"Pwede po bang kuhain ko ang sim card ng cellphone ko?" marahan kong pakiusap sa kanya.
"Eto bilisan mo." sabay abot niya sa aking cellphone.
Nagtataka ako kung bakit tila yata hindi nagsasalita ang ibang pasahero ng mga oras na iyon para silang pipi mga walang reaksyon walang humingi ng sim card ng kanilang mga cellphone ako lang yata ang tanging nagsasalita. Marahil ay nabigla din sila sa mga pangyayari pero kakaiba parang robot sila lahat.
Tinignan ko ang bag ko. Nagulo ang mga gamit ko sa loob hinanap ko ang maliit na lalagyan ko pinagtaguan ko ng aking sweldo. "Aba! andito pa!" laking tuwa ko ng makita ko iyon. Hindi ata nakita ng holdaper, cellphone lang yata ang kanilang nakita sa aking bag. Hindi ko na muna ito binuksan sa kadahilanang baka makita ito ng holdaper at kuhain pa.
Mabilis ang mga pangyayari hindi ko na alam kung paano sila umalis ng bus at sa mga oras na iyon ay hindi ko pa rin alam kung nasaan kami madilim pa din sa labas wala akong makitang liwanag. Wala pa ring reaksyon ang mga tao ng mga oras na iyon, parang walang nangyari. Ngayon ma checheck ko na ang aking sweldo. Binuksan ko na ang aking bag, kinuha ko ang lalagyan ko ng aking sweldo at unti unti ko itong binuksan...
"WAHHHHHHHHH!!! WALA NG LAMAN!!"
Nakuha rin pala nila ang sweldo ko. "Mga hinayupak na yun sinoli pa ang lalagyan."
"Ngoorrkkkk!!" hindi ko maunawaan parang ang sarap humagok...
"Ngoorrkkkk!! Umaga na pala?!!" =)
Friday, October 29, 2004
Thursday, October 28, 2004
Rise and Shine Mother!
Maganda ang kanta nilang "Noypi" ang ganda ng pagkakanta napaka powerful ng boses ng lead singer. Unang dinig mo pa lamang ay magugustuhan mo na ang tono nito. Maganda din ang lyrics lalo na yung linyang... "sabi nila may anting-anting ako pero di nila alam na Diyos ang dahilan ko!" pinoy na pinoy ang dating. Pero nung napanood ko sila sa tv ay hindi ko maintindihan kung bakit palaging sinisingit ng lead singer ang salitang "Rise and Shine Mother!" ??? ano nga ba ang koneksyon nun sa kanta? nasira tuloy pinoy na pinoy yung kanta tapos sasalihan ng ingles na pananalita. Ano ba yun? sino ba yun? o mali ako ng dinig "rise and shine mother" nga ba yun?
"RISE AND SHINE MOTHER!!"
ANU DAW??
Wednesday, October 27, 2004
Pamasahe
Monday, October 25, 2004
Check up
10am naka higa na siya sa emergency room. Fill up ako ng kung ano anong form hindi ko na binasa basta pirma dito pirma doon siguro ganun talaga kapag nag-aalala ka wala kang ibang iniisip kung hindi ang kalagayan ng iyong mahal sa buhay. Inalis muna siya sa emergency room iuultra sound na raw siya. Habang nag hihintay ay naupo muna ako sa bakanteng upuan na naroroon sa ER bihira pa ang tao ngunit maya maya ay may mga dumating na isang magulang dala ang batang 6 hanggang 9 na taong gulang. May pasa at may sugat sa kanyang ulo pagkatapos noon ay dumating naman ang isang ale na napilipit naman ang binti at maya maya ay isang matanda naman na may sugat sa ulo. Medyo nalibang ako nang mga oras na iyon at hindi napansin na mahigit isang oras na pala akong naghihintay. A, eto na siya at ibinalik na ng nurse sa higaan sa ER na dati niyang kinalalagyan. Maya maya ay may dumating na naman isang nurse na niyaya kami sa kwartong aming tutuluyan. Ako ang pumili ng kwartong ito ikalawa sa pinakamurang kwartong pwede naming tuluyan. Kasama namin sa kwartong ito ang mga babeng kapapanganak pa lamang.
Gabi na nang dumating ang mga kaibigan namin at kamag anak na nakabalita sa nangyari. Kwento dito kwento doon hindi na naman dapat silang mag alala dahil nasa maganda na siyang kalagayan. Maya maya ay bumisita na ang doctor sinabi sa amin na maari na siyang makauwi kinabukasan ok na naman daw ang kaniyang kalagayan. Urinalisys na lamang ang hinihintay para makita kung ano talaga ang dahilan ng kanyang pag b bleed. Threatend abortion yun ang tawag ng doctor sa nangyari sa kanya.
Malalim na ang gabi naka uwi na ako at nakakuha na ng mga gamit. May mga sandali rin na makakaamoy ka ng malansa sa loob ng kwarto na hindi mo malaman kung saan nanggagaling. Hirap akong makatulog sa kadahilanang malamig ang kwarto at wala akong kumot na nadala. Ang iyak ng mga bagong silang na sanggol ang isa pa ring dahilan kung bakit maya't maya at namumulat ako sa aking pagkakatulog. Bagama't hirap sa pagtulog ay may kasiyahan din naman akong nadarama dahil sa nadirinig ko ang mga bagong silang na mga sanggol.
Umaga na bumili na ako ng almusal para sa kanya at sa akin naman ang rasyon ng pagkain sa ospital. Nakakapanglambot at nakakapanghina ang umagang iyon wala ding magawa. Ano pa nga ba ang gagawin mo sa mga oras na ganun kundi ang matulog ulit =) . Habang masarap ang aking tulog ay naramdaman kong may pumasok sa kwarto, aha eto na ang doctor at eto na rin ang results ng ultrasound at urinalysis. Ok naman daw ang bata expected ng doctor na wala na itong heartbeat yun din pala ang isang dahilan kung bakit niya pinaadmit ang aking asawa 3 days na kasi siyang nag bbleed. Swerte daw kami dahil ok pa ang baby. Ang urinalysis ay normal naman maari ang pagod sa trabaho ang naging dahilan ng kanyang pag bleed. Nagreseta na ang doctor at nag paalala na mag ingat. Pwede na kaming umuwi. Nagbayad na ako at kami'y umuwi na.
Ewan ko pero hindi pa rin maalis sa akin ang pangamba at pagaalala. Maaring magalala ako hanggat hindi naisisilang ang batang nasa kanyang sinapupunan. Muli ay naranasan ko na naman ang kakaibang damdamin ng isang ama.
Friday, October 22, 2004
Bleeding
Thursday, October 21, 2004
Isang Umaga
"Eto na ang bus na inaantay ko medyo maluwang pa." sabi ko sa sarili ko habang nakikipag unahan sa mangilan ngilan na pasaherong papunta sa bus.
"Hay salamat nakaupo pa ako." medyo sa may bandang hulihan nga lang ako nakaupo pero ok lang at least nakaupo kesa naman nakatayo. Karaniwan ay animan ang upuan sa hulihan apat pa lamang kaming nakaupo at may bakante pang dalawa. Habang tumatakbo ang bus ay napansin ko na medyo malakas ang blower na naka tutok sa akin hindi ko naman ito magalaw na naka fixed na ito. Malamig pa naman ng umagang iyon.
"Hindi bale mamaya naman kapag may sumakay ay mahaharangan ang blower ng uupo sa tabi ko" pabulong ko sa aking sarili habang hinihintay ang susunod na sasakay.
Tumakbo ng bahagya ang bus at maya maya ay huminto may sasakay na paniguradong dito yan tatabi sa akin kasi wala ng ibang mauupuan kundi sa bandang huluhan sa tabi ko. Isang lalaki ang sumakay naka jacket naka salamin. Umurong na ako at umupo na siya sa tabi ko.
"Yan ok na natakpan na ang blower na kanina pa umiihip sa aking mukha." napangiti kong sabi sa aking sarili.
"Bakit parang bumaho?" tanong ko sa sarili ko. Singhot ako ng singhot sige singhot pa.
"Ang baho talaga! ano ba yung nangangamoy?"
Tinignan ko ang mga nakaupo sa unahan sa tabi sa gilid sa likuran. Wala naman silang reaksyon. Para bang ako lang ang nakaka amoy ng mabahong amoy na iyon.
"Ay alam ko na kung ano yung nangangamoy." sabi ko sa sarili ko habang nakatakip ako ng aking ilong. Itong katabi ko ang mabaho. Nakatapat pala siya sa blower at ang hangin na napupunta sa akin ay nanggagaling sa kanya.
"Bwiset naman to!" inis kong bulong sa sarili. Marahil ang jacket niyang suot ang mabaho amoy pawis na amoy takla na hindi ko maintindihan. Talaga namang nakakainis. Narinig ko ng nagbayad siya Vito Cruz daw siya bababa.
"ANOO!!! Hanggang Vito Cruz pa ako mag titiis sa amoy nito grrr... ano ba namang klaseng tao to hindi ba niya naaamoy ang sarili niya ang baho baho talaga."
Habang kami'y naglalakbay ay maya't maya kong tinatakpan ang aking ilong dahil sa hindi ko talaga matiis ang baho. Malapit na ang Vito Cruz tumayo siya... suminghot ako... mabaho pa din... papalayo na siya...suminghot ako...medyo nawala ang amoy... nakababa na siya... wala na ang amoy! Tama ang hinala ko siya ang mabaho! Gusto ko siyang sigawan ng...
"PWE!! ANG BAHO MO!!! SINIRA MO ANG UMAGA KO!!!"
Mangga
"mama magkano ang isa?" ngunit hindi niya ako sinagot siguro ay hindi niya ako narinig. Hindi ko alam kung anong pipiliin ko...
"ano nga ba ang tinitignan kapag bumibili ng mangga" tanong ko sa sarili.
"eto malutong ito" sabi ng mama sa akin.
"paano kaya niya na nalaman na malutong iyon?" habang inaabot ang pinili niya.
Hindi ko din makita masyado ang mga napili niya dahil sa madilim na ng mga oras na iyon kayat hindi ko rin alam kung may sira o wala, naaaninag ko lang ang maiitim at maliliit na pekas sa balat ng mangilan ngilan sa pinili niya. Apat na ang ang naisilid ko sa plastic. Hawak ko ang buong isang daang piso.
"Eto po ang bayad, magkano po ba?."
"Otsenta, dagdagan na natin ng isa."
Sa aking pag-aakala ay libre na yung isa na idinagdag niya kung kaya't naghihintay pa ako ng sukli sa isang daan.
"Beinte po ang isa" sagot ng mamang nagtitinda.
"A ganun ba?" pabigla kong sagot.
gusto ko mang tumawad ay hindi ko magawa dahil wala akong idea kung magkano talaga ang mangga.
"Ang mahal naman ng mangga, beinte pesos ang isa" sabi ko habang nililisan ko ang mamang nagtitinda. Ganun ba talaga ka mahal ang mangga, malaki lang ng konti sa aking kamao, payat at may maliliit na pekas pa sa balat. May kasama ng malansa at mabahong bagoong.
Naloko ba ako?
Wednesday, October 20, 2004
espiritu
espiritu n.
1 a supernatural being: espiritu
2 the soul: kaluluwa
3 a mans moral, religious, or emotional nature: diwa
4 courage: tapang, katapangan
5 vigor: lakas
6 liveliness: sigla, kasiglahan
7 state of mind, disposition: damdamin, loob, kalooban, kalooban, disposisyon
8 person, personality: tao, personalidad
9 influence that stirs up and rouses: sigla, kasiglahan
10 what is really meant as opposed to what is said or written: diwa, layon, layunin
Tuesday, October 19, 2004
UsapDiwa
Nitong nakaraang araw ay napakinggan ko ang isang debate ng isang kristiyano at ng isang atheist. Isa sa mga natalakay nila ay ang patungkol sa espiritu. Sa kanilang pag-uusap ay naitanong ng atheist kung ano ba ang espiritu. Halatang halata na naghahagilap ng isasagot ang kristiyano at hindi niya maipaliwanag mabuti kung ano nga ba ang espiritu. Nagbigay lamang siya ng mga example ngunit hindi niya naibigay kung ano ang ibig sabihin ng espiritu.
Ngayong nalalapit na naman ang araw ng mga patay ay makakarinig o makakapanood na naman tayo ng mga taong nakaranas ng mga nakakatakot na bagay sa kanilang buhay. Malaking bahagi sa mga nakakatakot na kwento ang espiritu. Ngunit katulad din ng tanong ng atheist ano nga ba ang espiritu? Ano ang itsura? Paano ba sila nabubuhay? Ang espiritu ba at kaluluwa ay iisa? Saan sila nananahan? Mararamdaman mo ba sila? Ito ba ay persona, bagay, kapangyarihan o kalakasan? Mapapatunayan ba ng siyensya na ang isang tao ay may espiritu o ito'y isang bahagi lang ng ating isipan? May espiritu ka ba?