Saturday, May 28, 2005

She's with the Lord



"Sis irene is now resting, she's with the Lord..." ito ang mga katagang na receive ko sa isang txt message na nanggaling sa aking kapatid. Nakakabigla at hindi kapanipaniwala na ang isa sa mga mahal natin sa buhay ay biglang mawawala o sumakabilang buhay na. Nasagi tuloy sa isipan ko ang kasabihang pilipino na "una una lang yan..."

Isang mabait na tao ang kapatiran naming ito at maituturing ko siyang isang modelo sa pagdating sa larangan ng pananalangin. Isa siya sa malapit na kaibigan ng aming pamilya at naging kabalikat sa mga gawain sa loob ng iglesia bilang isang prayer warrior. Maging ang kaniyang mga anak ay nakasama namin mula pa ng kanilang pagkabata hanggang sa ngayon sa paninilbihan sa Panginoon.

Nakalulungkot isiping ang paninilbihan niyang ito ay nagtapos na at ngayon ay kapiling na niya ang dati rati'y pinanalanginan niya. Kung noon ay kinakausap niya ang Dios ng hindi nakikita ngayon ay mukhaan na niya itong makakausap.

Nalaman ko na siya ay may sakit at marahil hindi na niya ito nakayanan ay bumigay ang pisikal niyang katawan. Hindi ba't siya'y isang prayer warrior? Ano ang nangyari sa panalangin? Hindi ba siya sinagot?Ano ang dahilan? Bakit kinuha siya agad? Napakabata pa niya? Ilan lamang ito sa mga katanungan na naglalaro sa aking isipan, tanong na may bahid ng sama ng loob. Ngunit alam ko na Dios lamang ang maaaring makasagot.

Paalam sa iyo kapatid, tunay na ibinigay mo ang iyong buhay para makapaglingkod sa Dios. Patuloy na mabubuhay ka sa aming alaala. Paalam hanggang sa muli nating pagkikita.

No comments: