Wednesday, March 22, 2006

Konsehal


(+)Hon. Ernesto Dela Cruz Lucena
Oct. 7, 1945 - March 16, 2006


Konsehal ang kalimitang tawag sa kanya noon. Maski na hindi na siya konsehal ng bayan ng Las PiƱas ay may mga iba pa rin siyang kakilalang patuloy na tumatawag ng kosehal, siguro ay dahil sa ito na ang nakasanayang itawag sa kanya. Ngunit nitong nakaraang buwan ay nagkaroon siya ng malubhang sakit at nalamang siya ay mag cancer sa lapay (pancreas). Nang una ay hindi niya ito matanggap at ng kanyang pamilya ngunit ganoon talaga kasakit ang katotohanan kung kaya't unti unti na rin nila itong natanggap at ang masakit pa ay ng malaman nila na ito ay nasa malala ng kalagayan. Marahil ay noon pa lamang ay nakakaramdam na ng sakit si konsehal ngunit hindi niya lamang ito pinapansin. Maaring nakuha niya ang sakit na ito sa madalas na pag-inom ng alak at sa walang patid na paninigarilyo.

Unti unting bumagsak ang kanyang katawan at bakas sa kanyang mukha ang hirap at sakit na kanyang dinadanas habang nakikipagbaka sa sakit na ito. Walang ibang gamot kundi ang pampaalis ng sakit at panalangin ng mga taong nagmamahal sa kanya. Lumipas ang mga araw at patuloy siyang nanghihina at patuloy na lumalala ang walang kagalingang sakit na dumapo sa kanya.

Dumating ang panahon na patuloy na siyang sumusuka ng dugo at hirap na hirap ng huminga kung kaya't pinasok na siya sa ospital upang tugunan ang kakulangan niya sa dugo. Sa loob ng mahigit isang linggo sa ospital ay halos hindi nagbago ang kanyang kalagayan kung kaya't minabuti na lamang niya na manatili sa kanilang tahanan at mas gugustuhin pa niyang bawian ng buhay na nasa bahay at kasama ang kanyang mga mahal sa buhay.

Hindi nga naglaon nitong March 16 habang siya ay inilalabas ng ospital ay patuloy pa rin siyang nagsusuka ng dugo. Mag-aalas onse na ng gabi habang malapit na kaming magpahinga ay nakatanggap kami ng tawag na ang tatay ay hirap ng huminga kung kaya't dali dali kaming pumunta sa kanilang bahay upang malaman kung ano ang kanyang kalagayan.

Maraming tao sa labas ng kanilang bahay ng kami'y dumating, pagpasok namin ay naroon ang malansang amo'y ng dugo na isinusuka ni tatay. Maraming tao sa loob, mga kasama ni nanay sa ministry at sila ay nananalangin at nagaaawintan ng salmo at imno. Sa mga oras na iyon ay kitang kita ko sa kanyang mukha ang hirap na kaniyang nararamdaman. Ang mga mata niyang nandidilat na para bang lumuluwa na na may kasabay na mumunting luha at may pagkakataon din tumitirik ito sa hirap. Habang nasa loob ng kwartong iyon ay ramdam ko din ang malakas niyang singhap at habol sa hanging tila yata nagdadamot at ayaw na siyang pagbigyan pa para makahinga.

Napakalungkot at napakahaba ng gabing iyon. Labas masok ang mga taong nakakakilala sa kanya at panay ang silip ng iba upang alamin ang kaniyang kalagayan. Patuloy naman ang pag awit at malakas na panalangin ng mga kasama ni nanay sa ministry. Alas dos na ng madaling araw ng bahagyang humupa ang hirap na naramdaman ni konsehal. Nakatulog na din ako ng mga sandaling iyon at nagising ng alas singko. Nais ko sanang manatili ngunit hindi maaari dahil sa papasok ang aking anak at may periodical test pa.

Habang nakahiga ay pinuntahan siya ng isa sa kanyang 3 taong gulang na apo at siya ay kinantahan at siya ay sumabay. "...ang mga ibon na lumilipad ay mahal ng Dios hindi kumukupas... O praise the Lord!" Maya maya ay unti-unti ng bumabagal ang kanyang paghinga at unti-unti na ring ipinipikit ang kanyang mga mata. Sa mga oras na iyon ay hindi bakas sa kanyang mukha ang hirap, hindi bakas sa kanya ang pag-alala, hindi bakas sa kanyang mukha ang pagtatanong kung saan siya mapupunta bagkus ay bakas sa kanyang mukha ang tila yata kasiyahan at kapayapaan sa kadahilanang pinagbigyan siya ng Dios na mabuhay, makapaglingkod sa bayan at maitaguyod ng maayos ang nagmamahal na pamilyang sa kanya ay pinagkaloob.

Alas diyes na ng umaga ng makatanggap ako ng isang text na nagsasabing wala na raw si tatay. Bagamat hindi kami masyadong malapit sa isa't isa, nagsilbi naman siyang inspirasyon sa akin upang maging matapang sa anumang digmaan sa buhay.

Paalam sa iyo tatay, paalam sa iyo konsehal!



Monday, March 13, 2006

Bully

Noong nasa elementary ako e naranasan ko na ang ma bully ng classmate ko. Iinisin ka, kukuhain ang gamit mo, mangongopya ng assignment ng sapilitan at kung ano ano pang panglalamang ang ginagawa sayo.

Nitong nakaraang araw ay humingi ang aking anak ng P20 may gusto daw siyang bilhing bracelet sa school. Naalala ko ito at itinanong ko kung nasaan ang binili niya sa school. Bakas sa kanyang mukha ang kalungkutan habang sinasabi niya na yung binili niya ay kinuha daw ng kanyang classmate. Naisip ko tuloy na uso pa pala sa panahon ngayon ang bully sa school. Hindi ko alam tuloy kung maawa ako o magagalit sa anak ko. Mahabang usapan ang nangyari at sinabi ko na dapat ay kuhain niya ang bagay na dapat ay para sa kanya.

Ewan ko, pero mas gugustuhin ko pa yatang manapak ang anak ko at mapunta sa principal's office kaysa lamangan lamang ng classmate niya.

Noong grade 5 ako ang ginawa ko e sinapak ko, ayun natauhan! =)