
Hindi ko lubos maisip na labing limang taon na pala ang nakakaraan mula nang ako ay nagtrabaho sa Philippine Women's University. Para bang napakabilis ng panahon, at napakaikli ng oras. Habang lumalaon ay padagdag ng padagdag ang aking edad. Dumaan ang ibat ibang pangyayari, nariyan ang bumaha, lumindol ng malakas, pumutok ang bulkang pinatubo, nagpalit ng pangulo ang pamahalaan ngunit nanantili pa din ako sa lugar na ito at patuloy na pinaglilingkuran ang paaralang ito. Tinatanong ko din ang aking sarili kung paano ako nakatagal. Marahil ay dahil na rin sa mga taong nakapaligid sa akin, mga taong itinuring ko ng ikalawang pamilya at ang paaralang ito na itinuring ko na ring ikalawang tahanan.
Masarap din namang isipin at nakakataba ng puso na kilalanin ang mga naglilingkod ng matagal na sa isang institution. Magkahalong kasiyahan at pagmamalaki ang aking nadama ng iaabot sa akin ang plaque na nakaukit ang aking pangalan sa kadahilanang kahit paano'y naging bahagi ako ng paaralang ito na humuhubog sa pagkatao ng isang tunay na kabataang pilipino.

