Tuesday, October 03, 2006

pare

isa sa mga paboritong panoorin ng anak ko ang super inggo kaya sa ayaw at sa gusto ko e napapanood ko rin ito. gustong gusto ng mga bata ang mga ganitong klase ng mga superhero at mga pantasya lalo na't ang bida ay isang batang katulad nila. ok din naman at nakaka-aliw ang palabas na ito ngunit ang hindi ko nagustuhan ay ang tawagan ng mga bata na "pare" ok lang sana kung ang kapareho nilang mga bata ang tinatawag nilang "pare" ang kaso pati na ang mga nakakatanda sa kanila. katulad na lamang ni "pareng kanor". tama ba namang tawagin mong pare ang tatay ng isa sa iyong mga kalaro. at katulad din ng pagtawag sa doctor ng "pareng doc" tama din ba na tawagin mo ang isang doctor ng ganun. ok lang sana kung kaedad ng isang bata ang kanyang kausap at tawagin niyang "pare". kaya para sa akin, ito ay hindi paggalang ng isang bata sa nakakatanda.


likas na sa mga kabataan ang gaya gaya lalo na sa kanilang mga napapanood. ginagaya nila ang aksyon at pananalita ng mga superhero na kanilang iniidolo. maaaring magaya nila ito at tawagin ang mga nakakatanda nilang kapitbahay na "pare".


maraming kabataan ngayon na hindi alam kung ano ang kahulugan ng pare o mare basta yun ang narinig nila yun ang gagayahin nila. hindi nila alam na ito ang pagtawag ng isang magulang sa isa sa kanyang pinagkatiwalaang kaibigan na maaaring makatulong sa kanya sa pagpapalaki ng kanyang anak sa oras ng kagipitan. hindi lamang sa pamamagitan ng pera o materyal na bagay, sa pamamagitan din ng magandang asal.


ok din naman ang telepantasyang ito nakakatuwa at may kapupulutan din naman ng aral ngunit ang isa ngang problema ay ang paglabag nito sa isa sa pinaka importanteng kaugalian nating mga pilipino. ito ay ang paggalang sa mga nakakatanda.


kaya mga pare at mare anong palagay nyo?

Tuesday, September 05, 2006

Report Card



Eto na ang pinakakahihintay kong report card ni kolokoy hay...
As usual mababa ang marka. Kailangang makabawi.

Thursday, August 10, 2006

Test Paper


Malapit na naman ang periodical test ng mga bata. Aral dito aral doon review dito review doon na ang ginagawa namin sa aming anak. Pero nitong nakaraan dumating ang anak ko na may pasalubong sa akin. Dalawang test paper ang kaniyang iniabot sa akin at ng akin itong tignan ay laking gulat ko. Isang bagsak at isang pasang awa at ang nakakaiinis pa ay ang mga ito ay pinag aralan namin bago siya mag test. Nag-aral na nga kami ganun pa ang marka niya paano na kung hindi pa kami nag-aral.

Gumugol ka ng pagod, hirap, panahon, pukpukan at tutukan sa pagtuturo pero walang resulta.

Hindi ako marunong magmura pero unti-unti ko na yatang natututunan.

"Kamote ka na naman?!!! Anak ng !@#*$%*#!..."

Monday, June 26, 2006

L E T R A !

Nakatanggap ka na ba ng forwarded na email na malalaki ang letra? Kapag babasahin mo e kailangan mo pang magscroll ng left to right tapos right to left tapos left to right ulit tapos right to left ulit. Sana naman sa mga nag po forward nun e isipin nila na may mga taong malinaw pa ang mata at hindi na kailangang lakihan ang letra na sa wari nila e ang padadalahan nila e malapit ng mabulag.

Kaysa magpabalik balik ng kaka scroll eto ang tip ko, click mo yung delete e di tapos!

Binilot na Bagay

Hay... lunes na naman ng umaga nakakatamad bumangon lalo na't malamig at umaambon sa labas tsk parang ayaw kong pumasok. Pero wala tayong magagawa kailangang magtrabaho.Medyo nagkakaagawan na ng umpuan sa bus kailangang makasakay na ako kasi kapag nagtagal pa ako e malamang tayuan na hindi na ako makakaupo.

"May upuan pa sa bandang hulihan!" sigaw ng kundoktor na nag-aayos ng mga pasahero.

Nakaupo naman ako ng maayos at katabi ang isang lalaking nasa gilid ng bitana na nasa 20+ ang edad maayos naman ang pananamit at mukhang estudyante pa.

Habang tumatakbo ang bus ay may napansin ako. Tila yata malikot itong katabi ko singhot pa ng singhot.

"Bakit kaya singhot ng singhot ito?" tanong ko sa aking sarili.

Nilingon ko siya ng bahagya at hindi ako nagpahalata na siya ang aking titignan. Pagtignin ko ay parang may hawak siyang maliit na bagay na kung ano sa kanyang mga daliri at nag eenjoy sa pagbilot nito... Hala!! maya maya ay binitiwan niya ang maliit na bagay na ito at sabay tusok ng kanyang hintuturo sa kanyang ilong. Napangiwi ako sa aking nakita sa kadahilanang alam ko na kung ano ang maliit na bagay na kaniyang binibilot.

Nagtagal ang ganitong senaryo at sa tuwing duma-dial siya ay ako naman ay napapalingon ng bahagya. Hindi ko maiwasang hindi tumingin, ewan ko parang gusto ko kasi siyang tulungan sa kanyang kalbaryo. Para kasing hirap na hirap siyang dukitin ito at sa tuwing may makukuha siya ay tinitignan pa niya itong mabuti na para bang pinag-aaralan kung anong klase at uri ito. Halos kada 30 segundo hanggang isang minuto ang interval ng kanyang pag dial hirap na hirap sa pagkonekta parang cellphone na walang signal. Parang gusto kong sabihin sa kanya na...

"Brad, yung hinliliit ang gamitin mo baka sakaling malaki ang makuha mo..."

Hay nako ang aga aga.... nasira yata ang umaga ko. Dali dali akong lumipat ng upuan ng may tumayo sa bandang harapan namin. Ang dami na kasi niyang nagawang binilot at hindi ko alam kung saan niya ito ipinupunas o ibinabagsak.

"Buti na lang at nakalipat ako baka matalsikan ako ng mga binilot na bagay na iyon...."

Kaya ikaw pag may binilot ka simplehan mo lang ha!
Wag yung bulgar bad yun!
Nakakasira ng umaga hehehe!


Friday, June 16, 2006

Father's Day

Father's day na sa linggo. Mula noong maliit ako e wala akong natatandaan na nag celebrate kami ng tatay ko father's day. Yung mother's day nga e ngayong matanda na ako saka ko lang nalamang sinecelebrate pala yun. Iba na talaga ang panahon ngayon maraming pinagkakagastusan :)

Ang mga pari kaya nag cecelebrate din ng father's day?

Happy Father's Day sa mga pari! =)

Wednesday, June 07, 2006

Tulog na Isipan

Hanggang ngayon ay natutulog pa rin ang aking isipan. Matagal tagal na panahon ko na rin itong hinihintay sa tuluyang paggising ngunit ako'y bigo. Hindi ko alam kung bakit nagkaganito at kung ano ang nangyari, basta namulat na lamang ako at nagising na natutulog ang aking isipan.

Magulo walang direksyon parang nakalutang sa hangin ang natutulog at nakapikit kong isipan. Marahil ay sa sobrang abala sa kung ano anong bagay kung kaya't siya ay napagod at nakatulog.

Pinipili't ko itong gisingin sa mahimbing niyang pagkakahimlay ngunit ayaw yatang maabala at siya'y nagtalukbong pa ng kumo't na sa kanya ay matagal ng bumabalot. Ano nga ba ang dapa't kong gawin upang siya ay magising? Matagal na siyang tulog at marami ng dapat na natapos na gawain.

Ano nga ba ang magpapamulat sa iyo, ano nga ba ang magpapabalikwas sa iyo upang bumalik ang dati mong sigla? O sadya yatang kailangan mong matulog at magpahinga upang sa iyong paggising ay mas marami kang matapos na gawain. Siguro ay sasabayan na lamang kita sa pagtulog baka sa paggising ko ay magising ka na rin.

"Magandang araw sa iyo... hmmmm tulog ka na naman??!"


Friday, May 12, 2006

Ulan - Cueshe Chords

Noong isang araw e naghahanap ako ng chords ng ulan ng cueshe kasi gusto ko yung tono nung bandang una ng chorus kaso ang sama ng mga chords na nakikita ko parang hindi tama kaya na atat ako napakapa tuloy ako ng wala sa oras. Eto tama to sabi ng tenga ko... (may pagkabingi ngapala ako tsk tsk)

ULAN
Cueshe

Intro:
B F# B F#
B Eb G#m E

I
B .....................F#
Lagi na lang umuulan
B ...........................F#
Parang walang katapusan
.............Abm .............B
Tulad ng paghihirap ko ngayon
F# ......................Eb
Parang walang humpay
...........Abm
Sa kabila ng lahat
............G
Ng aking pagsisikap
.....B
Na limutin ka
............F# .........B Eb Abm E
Ay di pa rin magawa

II
B ....................F#
Hindi naman ako tanga
B .....................F#
Alam ko na wala ka na
.............Abm ...............B
Pero mahirap lang na tanggapin
F# ...................Eb
Di na kita kapiling
...........Abm
Iniwan mo akong
..........G
Nag-iisa
.....B
Sa gitna ng dilim
............F# ........B .........F# F#-E
At basang- basa pa sa ulan

Chorus
B ...................Eb
Pero wag mag-alala
Abm ...................C#m
Di na kita gagambalain
C#m
Alam ko namang ngayong
..........E ...............B F# F#-E
May kapiling ka ng iba
B .........................Eb
Tanging hiling ko sa 'yo
Abm ................C#m
Na tuwing umuulan
C#m
Maalala mo sanang may
......E ..............B .........Eb
Nagmamahal sa 'yo, oh, oh, oh.....

Abm C#m -- F# B (pause)

III
B .....................F#
Lagi na lang umuulan
B ..........................F#
Parang walang katapusan
.............Abm ............B
Tulad ng paghihirap ko ngayon
F# ......................Eb
Parang walang humpay
.........Abm
Iniwan mo akong
..........G
Nag-iisa
......B
Sa gitna ng dilim
............F# .........B ........F# F#-E
At basang- basa pa sa ulan

Chorus
B ...................Eb
Pero wag mag-alala
Abm ...................C#m
Di na kita gagambalain
C#m
Alam ko namang ngayong
..........E ...............B F# F#-E
May kapiling ka ng iba
B ..........................Eb
Tanging hiling ko sa 'yo
Abm ...............C#m
Na tuwing umuulan
C#m
Maalala mo sanang may
......E ...............B ....F# F#-E
Nagmamahal sa 'yo ako

Coda
B F#
La la la la la
G#m F#
La la la la la
A E B
La la la la la. . .


Wednesday, April 12, 2006

Jesus Christ Superstar

Maliit pa ako e lagi kong pinapanood ang pelikulang Jesus Christ Superstar. Betamax pa ang uso noon at habang pinapaulit ulit mo ang tape e lumalabo ng lumalabo dahil sa nagagasgas ito.

Maski hindi mahal na araw at palagi naming pinapanood ito dahil siguro sa maganda ang mga tono ng mga awit dito at maganda din ang pagkakagawa ng pelikula na hindi nakakasawang panoorin.

Noong nakaraang araw ay napadaan ako sa national bookstore at doon ko nakita na naka sale ang pelikulang ito. Hindi ako nagdalawang isip at binili ko ang vcd na ito. Nang ako'y umuwi ay para akong isang bata na may dalang laruan na gustong gustong makita ang bitbit na bilihin. Nang akin na itong pinanood ay tila yata may salamangka ang pelikulang ito dahil halos lahat ng eksena ay nais kong makita at mapakinggan.

Si Hudas ay isa sa mga karakter na nagbigay buhay sa istorya at ito ng pinaka matinding linya na kanyang binitiwan...

Does he love me too? Does he care for me?
My mind is in darkness.
God, God I'm sick.
I've been used, And you knew all the time.
God, God I'll never ever know why you chose me for your crime.
You're so bloody, Christ.
You have murdered me.

At pagkatapos niyang sambitin ito ay nagbigti na siya.
Minsan ay nangyayari din sa atin ang mga bagay na hindi natin gusto pero wala tayong magagawa dahil ito ang kagustuhan ng Dios. Pero sa kaso ni Hudas katulad ng kanyang tanong sa pelikulang ito ay minahal nga ba siya ng Dios? Bakit nga ba siya ang pinili para ipagkanulo si Kristo? Pinili niya bang mapunta sa impyerno o sadyang hindi siya kabilang sa kawan ng Panginoon? Ikaw kabilang ka ba sa kawan o hindi? Paano mo malalaman?



Wednesday, March 22, 2006

Konsehal


(+)Hon. Ernesto Dela Cruz Lucena
Oct. 7, 1945 - March 16, 2006


Konsehal ang kalimitang tawag sa kanya noon. Maski na hindi na siya konsehal ng bayan ng Las PiƱas ay may mga iba pa rin siyang kakilalang patuloy na tumatawag ng kosehal, siguro ay dahil sa ito na ang nakasanayang itawag sa kanya. Ngunit nitong nakaraang buwan ay nagkaroon siya ng malubhang sakit at nalamang siya ay mag cancer sa lapay (pancreas). Nang una ay hindi niya ito matanggap at ng kanyang pamilya ngunit ganoon talaga kasakit ang katotohanan kung kaya't unti unti na rin nila itong natanggap at ang masakit pa ay ng malaman nila na ito ay nasa malala ng kalagayan. Marahil ay noon pa lamang ay nakakaramdam na ng sakit si konsehal ngunit hindi niya lamang ito pinapansin. Maaring nakuha niya ang sakit na ito sa madalas na pag-inom ng alak at sa walang patid na paninigarilyo.

Unti unting bumagsak ang kanyang katawan at bakas sa kanyang mukha ang hirap at sakit na kanyang dinadanas habang nakikipagbaka sa sakit na ito. Walang ibang gamot kundi ang pampaalis ng sakit at panalangin ng mga taong nagmamahal sa kanya. Lumipas ang mga araw at patuloy siyang nanghihina at patuloy na lumalala ang walang kagalingang sakit na dumapo sa kanya.

Dumating ang panahon na patuloy na siyang sumusuka ng dugo at hirap na hirap ng huminga kung kaya't pinasok na siya sa ospital upang tugunan ang kakulangan niya sa dugo. Sa loob ng mahigit isang linggo sa ospital ay halos hindi nagbago ang kanyang kalagayan kung kaya't minabuti na lamang niya na manatili sa kanilang tahanan at mas gugustuhin pa niyang bawian ng buhay na nasa bahay at kasama ang kanyang mga mahal sa buhay.

Hindi nga naglaon nitong March 16 habang siya ay inilalabas ng ospital ay patuloy pa rin siyang nagsusuka ng dugo. Mag-aalas onse na ng gabi habang malapit na kaming magpahinga ay nakatanggap kami ng tawag na ang tatay ay hirap ng huminga kung kaya't dali dali kaming pumunta sa kanilang bahay upang malaman kung ano ang kanyang kalagayan.

Maraming tao sa labas ng kanilang bahay ng kami'y dumating, pagpasok namin ay naroon ang malansang amo'y ng dugo na isinusuka ni tatay. Maraming tao sa loob, mga kasama ni nanay sa ministry at sila ay nananalangin at nagaaawintan ng salmo at imno. Sa mga oras na iyon ay kitang kita ko sa kanyang mukha ang hirap na kaniyang nararamdaman. Ang mga mata niyang nandidilat na para bang lumuluwa na na may kasabay na mumunting luha at may pagkakataon din tumitirik ito sa hirap. Habang nasa loob ng kwartong iyon ay ramdam ko din ang malakas niyang singhap at habol sa hanging tila yata nagdadamot at ayaw na siyang pagbigyan pa para makahinga.

Napakalungkot at napakahaba ng gabing iyon. Labas masok ang mga taong nakakakilala sa kanya at panay ang silip ng iba upang alamin ang kaniyang kalagayan. Patuloy naman ang pag awit at malakas na panalangin ng mga kasama ni nanay sa ministry. Alas dos na ng madaling araw ng bahagyang humupa ang hirap na naramdaman ni konsehal. Nakatulog na din ako ng mga sandaling iyon at nagising ng alas singko. Nais ko sanang manatili ngunit hindi maaari dahil sa papasok ang aking anak at may periodical test pa.

Habang nakahiga ay pinuntahan siya ng isa sa kanyang 3 taong gulang na apo at siya ay kinantahan at siya ay sumabay. "...ang mga ibon na lumilipad ay mahal ng Dios hindi kumukupas... O praise the Lord!" Maya maya ay unti-unti ng bumabagal ang kanyang paghinga at unti-unti na ring ipinipikit ang kanyang mga mata. Sa mga oras na iyon ay hindi bakas sa kanyang mukha ang hirap, hindi bakas sa kanya ang pag-alala, hindi bakas sa kanyang mukha ang pagtatanong kung saan siya mapupunta bagkus ay bakas sa kanyang mukha ang tila yata kasiyahan at kapayapaan sa kadahilanang pinagbigyan siya ng Dios na mabuhay, makapaglingkod sa bayan at maitaguyod ng maayos ang nagmamahal na pamilyang sa kanya ay pinagkaloob.

Alas diyes na ng umaga ng makatanggap ako ng isang text na nagsasabing wala na raw si tatay. Bagamat hindi kami masyadong malapit sa isa't isa, nagsilbi naman siyang inspirasyon sa akin upang maging matapang sa anumang digmaan sa buhay.

Paalam sa iyo tatay, paalam sa iyo konsehal!



Monday, March 13, 2006

Bully

Noong nasa elementary ako e naranasan ko na ang ma bully ng classmate ko. Iinisin ka, kukuhain ang gamit mo, mangongopya ng assignment ng sapilitan at kung ano ano pang panglalamang ang ginagawa sayo.

Nitong nakaraang araw ay humingi ang aking anak ng P20 may gusto daw siyang bilhing bracelet sa school. Naalala ko ito at itinanong ko kung nasaan ang binili niya sa school. Bakas sa kanyang mukha ang kalungkutan habang sinasabi niya na yung binili niya ay kinuha daw ng kanyang classmate. Naisip ko tuloy na uso pa pala sa panahon ngayon ang bully sa school. Hindi ko alam tuloy kung maawa ako o magagalit sa anak ko. Mahabang usapan ang nangyari at sinabi ko na dapat ay kuhain niya ang bagay na dapat ay para sa kanya.

Ewan ko, pero mas gugustuhin ko pa yatang manapak ang anak ko at mapunta sa principal's office kaysa lamangan lamang ng classmate niya.

Noong grade 5 ako ang ginawa ko e sinapak ko, ayun natauhan! =)


Thursday, February 23, 2006

Recognition


Hindi ko lubos maisip na labing limang taon na pala ang nakakaraan mula nang ako ay nagtrabaho sa Philippine Women's University. Para bang napakabilis ng panahon, at napakaikli ng oras. Habang lumalaon ay padagdag ng padagdag ang aking edad. Dumaan ang ibat ibang pangyayari, nariyan ang bumaha, lumindol ng malakas, pumutok ang bulkang pinatubo, nagpalit ng pangulo ang pamahalaan ngunit nanantili pa din ako sa lugar na ito at patuloy na pinaglilingkuran ang paaralang ito. Tinatanong ko din ang aking sarili kung paano ako nakatagal. Marahil ay dahil na rin sa mga taong nakapaligid sa akin, mga taong itinuring ko ng ikalawang pamilya at ang paaralang ito na itinuring ko na ring ikalawang tahanan.

Masarap din namang isipin at nakakataba ng puso na kilalanin ang mga naglilingkod ng matagal na sa isang institution. Magkahalong kasiyahan at pagmamalaki ang aking nadama ng iaabot sa akin ang plaque na nakaukit ang aking pangalan sa kadahilanang kahit paano'y naging bahagi ako ng paaralang ito na humuhubog sa pagkatao ng isang tunay na kabataang pilipino.

Monday, February 20, 2006

Ano ang mensahe? (Brgy.Guinsaugon Tragedy)


Kakatapos lamang ng isang trahedya sa ating bayan at halos hindi pa nakakarekober ay may sumunod na namang isa pa na mas matindi at kakilakilabot. Ito ay ang landslide o mudslide na nangyari sa Bgy. Guinsaugon, St. Bernard, Southern Leyte.

Medyo napatigil ako sa aking ginagawa habang nakikinig sa isang flash report sa radyo. Halos 200 katao daw ang natabunan ng landslide sa isang baranggay sa leyte. Ngunit ng ako ay dumating na sa bahay at napanood ang balita ay hindi lamang pala 200 katao ang natabunan ng lupa kundi isang buong baranggay.

"Ano ba ang nangyayari sa bansang pinas?" Ito agad ang tanong na pumasok sa isipan ko. Ito ba'y parusa ng Dios o ito'y pangyayari na kusang dumarating at hindi maiiwasan? At heto na naman ang ating mga politiko at kanya kanya na namang turo kung sino ang sisisihin sa pangyayari. Isa din sa mga naitanong ko ay kung nasaan ang Dios ng mga sandaling iyon habang dumadaloy ang lupa at handang tabunan ang isang buong baranggay. Nakatingin lamang ba siya at walang magawa habang lumuluha? Inilagay ko na lamang sa aking isipan na may plano ang Dios sa lahat ng bagay na nangyayari sa ating kapaligiran ngunit mahirap din pala dahil sa tuwing naaalala ko ang mahigit na 200 kabataan na nalibing ng buhay habang nag-aaral sa paaralan ay patuloy na sumusulpot ang mga tanong na ano ang plano ng Dios? Bakit nangyari ito? Bakit hindi man lamang sila nabigyan ng babala na may sakunang magaganap.

Naalala ko kung babasahin natin ang biblia ay makikita natin na kapag may mangyayaring sakuna o trahedya ay nagpapadala ang Dios ng propeta upang magbigay ng babala sa mga tao upang maiwasan nila ito. Nasaan ngayon ang mga propeta ng Dios? Wala na ba o natutulog sila sa pansitan? O sadyang hindi na uso ang ganitong sistema noong unang panahon.

Nakapanghihinayang ang buhay ng mga kabataang ito na walang kamalay malay at may mga malilinis pang puso na sa isang iglap ay matatabunan lamang ng lupa.

Buhay ang kapalit ng plano at mensaheng ito ng Dios.
May mensahe ang Dios ngunit ano?

Sino ang makikinig? Sino ang handang matuto?
May mensahe nga ba?

Tuesday, February 07, 2006

Wowowee Tragedy


Sabado ng umaga alas nuebe o alas dyes yata ng mabuksan ko ang tv at naghahanap ng magandang palabas. Una kong tinignan ang GMA7 at nagpalipat lipat sa ibang tv stations. Nagulat na lamang ako ng madaan ang inililipat kong tv sa channel 2. Nagtaka ako at nagtanong kung bakit parang napakaaga yata ng balita. Unang nakita ko sa balita ay si VP Noli de Castro na pinatatabi ang mga tao kasama niya si Senator Gordon. Akala ko ay isang rally na naman ito ng mga taong nais mabago ang pamahalaan.

Tumagal ang mahigit kinse minuto at ako'y nagtataka pa din kung anong klaseng rally ito at aking nadinig na may animnapung katao na ang namatay. Habang lumalaon ay nauunawaan ko na ang kanilang ibinabalita live pala ito at nabanggit nga ng tagapagsalita ang programang Wowowee. Ang programa palang ito ay magdadaos ng ika una nilang anibersaryo at ito ay gaganapin sa Ultra kung kaya't napakaraming tao.

Ang unang tanong ko ay ano ang nangyari? bakit marami ang namatay? Habang nanonood ako ay unti unti nitong nasasagot ang aking mga katanungan. Ngunit maraming kwento at maraming haka haka hindi ko malaman kung sino ang paniniwalaan. May nagsasabing may sumigaw daw ng bomba, may nagsasabi naman na nag uunahan para makapasok, may nagsasabi din na may nag uunahan na makakuha ng ticket kung kayat nagkaroon ng stampede. At isa pa sa aking katanungan ay kung bakit dumagsa ang ganitong karaming tao at ang iba ay galing pa sa probinsya na halos dalawang araw ng naghihintay sa lugar na ito. Daig pa ng mga taong ito ang mga may malubhang sakit na naghihintay ng himala na magmumula sa Dios.

Ano nga ba ang dahilan kung bakit sila pumunta? Manonood lamang ba sila upang maaliw? Umaasa ba sila na manalo? Nais lamang ba nilang makakita ng artista? Binayaran ba sila at hinakot o kusang loob na pumunta para maipakita na malakas ang nasabing programa? Sino nga ba ang nagkulang at dapat managot, ang namamahala ba ng programa o ang gobyerno?

Maraming katanungan na dapat sagutin ngunit sino ang paniniwalaan lalo na't ang ating gobyerno at media ay batbat ng kasinungalingan at maraming pinagtatakpan. Hay Pilipinas saan at ano nga ba ang iyong patutunguhan?

Ang insidenteng ito ang magpapatunay kung anong klaseng pamumuhay mayroon sa ating bayan. Ganyan ang pinoy hindi nila iniisip ang maidudulot na panganib at hirap sa kanilang buhay. Isusugal nila ito makamit lamang ang munting biyaya kapalit man ng kanilang buhay. Katapangan, kamangmangan o kahirapan?

Ang mamatay ng dahil sayo...?

Monday, January 30, 2006

Ngalumata


Hirap talaga mag-alaga ng bata laging gising sa madaling araw at naglalaro. hay... kelan kaya magpapalit ng tulog itong batang to, nababawasan tuloy ang gandang lalaki ko hehehe...

Monday, January 02, 2006

Komunikasyon

Kahapon ay linggo at narinig ko ang sermon ng aming pastor at ito ay patungkol sa komunikasyon. Nabanggit niya na ang mabilis ang komunikasyon ngayon kaysa noong unang panahon, isang pindot mo lang ng button ay makakarating na ang iyong mensahe sa ibang bahagi ng mundo. Napakatotoo nito lalo na't marami ang gumagamit sa atin ng cellphones at internet.

Mayroon tuloy akong naalalang kwento sa biblia na patungkol sa komunikasyon ito ay nasa aklat ng Gen. 11:1-9 at ito ay patungkol sa torre ni babel. Ang wika noon ay iisa at nagplano ang mga tao ng gumawa ng torre na aabot sa langit ngunit hindi ito natapos dahil sa ginulo ng Dios ang kanilang wika at hindi sila nagkaintindihan.

Ngayon sa ating panahon ay nagkakaintindihan ang buong mundo sa pamamagitan ng wikang ingles. Kaya't aking naitanong, ano nga ba ang layunin ng Dios kung bakit niya ginulo ang wika ng mga tao noon. Mas may kakayahan ang mga tao ngayon na gumawa ng mataas na gusali, sa katunayan ay nakagawa na ang tao ng matataas na gusali na umaabot na sa ulap. Nakarating na din ang tao sa buwan.

Literal nga ba ang kwentong ito o ito'y isang pagsasalarawan at kathang isip lamang?