Thursday, June 30, 2005

Gloria resign!

Ito ang karamihang sinasabi ng mga pulitiko ng inamin ng Pangulong Arroyo ang kanyang pagkakamali noong nakaraang eleksyon. Malinaw na dinaya niya ang kanyang pagkapanalo bilang isang pangulo ng ating bansa.

Isa na rin ako sa mga nagsasabi na dapat na siyang mag resign dahil sa nawalan na ng tiwala sa kanya ang taong bayan. Kahit na ano pang kabutihan ang kaniyang gawin ay nakatatak na sa isip ng sambayanang pilipino na siya ay nandaya at nanloko.

Dapat na nga siyang mag resign dahil sa simula't sapul ay sariling interes lamang ang kanyang nasa isip at hindi ang interes ng taong bayan. Simula't sapul ay ang pagpapayaman sa sarili ang kaniyang iniintindi hindi ang pagpapaunlad ng ekonomiya ng ating bansa. Hindi niya hinangad na maiangat ang pilipino, hangad niya lamang ay maingat ang sarili niyang kabuhayan.


Para sa iyo ano nga ba ang dahilan kung bakit nandadaya ang isang tao?


Sunday, June 19, 2005

Simpleng Mensahe

(June 2004)

Nitong nakaraang linggo ay nagsimula ng pumasok sa eskwela ang karamihan ng mga kabataan. Isa na rito ang aking anak na limang taong gulang. Sa kanyang pag-uwi mula sa eskwela ay may bitbit siyang isang card. Marahil ay ito ang una nilang ginawa sa unang pasok nila sa eskwela. Pagdating ko mula sa trabaho ay iniabot niya ito sa akin. Habang binubuksan ko ay nasa isip ko pa rin kung para saan ang card na ito. "HAPPY FATHER'S DAY" ito ang nakasulat sa unang pahina ng card at ng aking buksan ay may simpleng mensaheng nakasulat na isinulat niya sa iba't ibang kulay ng krayola. "DEAR DAD, ILOVE YOU!" ito ang nakalagay na may kalakip na pangalan niya sa bandang huli. Father's day na nga pala, masarap din palang makatanggap ng mensaheng ganun na nagmula sa iyong anak. Sa mura niyang edad iyon ay wala lang sa kanya ngunit nagdulot ito ng kasiyahan sa akin bilang isang ama.

Ang simpleng mensahe ng pagmamahal ay hindi mapapantayan.

Tuesday, June 14, 2005

Anak

Bawat galaw, bawat sandali ay pinagmamasdan. Ang pagdilat ang pagtulog, ang galaw ng labi at mata ang pag labas ng dila at ang pag taas ng kilay ay gusto kong makita. Ngayon ko lang yata naunawaan at naranasan ang letra ng kantang anak ni Freddie Aguilar na "...pinagmamasdan pati ang pagtulog mo..."

Pangalawa na ito pero natatandaan ko na hindi ko masyadong pinagmamasdan maigi ang nauna kong anak. Siguro dahil sa ito ay babae at mas maganda at nakatutuwa siyang pagmasdan kaysa sa panganay kong anak noong siya'y bagong silang pa lang.

Ano pa nga ba ang nais ng isang magulang sa kanyang anak kungdi ang maging maayos ang paglaki nito at nawa ay huwag humantong sa awitin ni Freddie Aguilar ang kinabukasan ng mga batang ito.

Wednesday, June 08, 2005

Happy Birthday!

Sa wakas, pagkatapos ng mahabang panahon ng paghihintay ay nasilayan ko na rin ang itsura ng aking anak na babae. Matinding kagalakan ang aking nadama ng makita ko na siyang inilabas sa delivery room at nasilip na nasa maayos siyang kalagayan.

Maligayang kaarawan sa iyo!


http://spiritbeing.multiply.com/photos/album/12